Recommended Sites

Thursday, April 5

Waiting Shed



Waiting Shed
     Fourth year high school na ako noon. Dahil matalino ako at madaling makakuha ng maraming scholarship, nakapag-aral ako sa pinakatanyag na paaralan sa aming bayan. First year pa lamang ako ay nagawa ko nang manguna sa academics. Anumang uri ng math at science ay pineperfect ko at may pagmamayabang pang “Buti na lang hindi ako masyadong nag-aral, baka kasi lumampas ang score ko.” Genius ako sa tingin ng nakararami. Hindi lang dahil sa sobrang talino ko, oo alam ko na ang bagay na iyon mula pa nang ako’y isinilang, kundi dahil nagagawa ko ang aking gustuhin nang walang hinihinging tulong sa mga kaklase ko, maging sa mga guro ko. In short, ako lang mag-isa, wala nang iba at wala nang mangangahas na tumulong pa. Sa group work, ako lang dapat ang gagawa ng lahat para mataas ang grade. Sa basketball, ako lang dapat ang titira para manalo. Sa bahay, ako lang ang kakain ng manok, itlog ang sa kanila. Ganun ako. Teka, nabilang mo ba kung ilang ulit ko nabanggit ang salitang ‘ako at ko’ sa talatang ito? Wag mo nang tangkain pa. Ako na ang bibilang para sayo. Labing-anim na ‘ako’ at labintatlong ‘ko’, dalawampu’t siyam lahat. Kuha mo? Oo. Ako ay isang makasariling tao. Di ba halata? Pero ang lahat ng ito ay biglang nagbago nang isang araw ay nakalimutan kong dalhin ang payong ko.
     Mag aalas-tres na nang hapon nang biglang nagtext si Inay. Wala naman akong load kaya dumiretso ako sa tindahan ni Mang Tomas.
     “All text 20 nga po,” sabay abot ng malutong na bente.
     “Bukas na lang po ang dos.”
     Hindi pa nagbavibrate ang cellphone ko nang biglang nagngalit ang kulimlim na langit at bumuhos na nga ang kinikimkim nitong galit.
     “Patay, naiwan ko ang aking payong, wala pa naman ding masisilungan dito,” wika ko sa sarili.
     Bagamat may mga taong nagdaraan, hindi sumagi saking isipan na makisukob. Nanalantay na naman ang pride sa aking mga ugat. Maya-maya’y mas lalong dumilim, ngunit sa mga sandaling ito’y umiiwas na sa aking katawan ang mga patak ng ulan.
     “Bakit ka ba nagpapabasa sa ulan, baka ka magkasakit,” mula sa isang malambing na tinig na mula sa aking likuran.
     Si Ana pala, habang hawak ang payong na nagbubuklod sa amin. Sandaling nabalot ng katahimikan ang aking katauhan. Dumaloy ang kagalakan sa aking kabuuan na para bang unang beses ko lang ito naramdaman, kung kaya’t hindi maiguhit ng aking mga labi ang nais kong iparating.
     “Ako na,” sabay kuha ng payong sa kanya.
     Sa pagkakataong ito’y iba na ang aking nadama. Kumikilos na ako hindi lang para sa aking sarili kundi para sa aming dalawa.
     Mula noong araw na iyon ay naging mas malapit na kami sa isa’t isa. Sa bawat oras na magkasama kami ay waring pumapalibot ang mga ulap sa kalangitan, mga sandaling hindi matutumbasan ng nakalipas noong ako ay ako lamang. Pinakita nya sa akin ang kanyang sarili, at ang akin naman sa kanya. Pinakilala niya sakin ang kanyang Diyos, na Diyos ko rin pala. Na kung wala Siya, wala kaming dalawa.
     Nagdaan na nga ang mga araw, mga araw na aming pinaghirapang pagtayuan ng masasayang alaala, mga alaalang hindi maigugupo ng pangkasalukuyan at mananatiling matatag kailanman. Ngunit sa pagdating ng araw ng pagtatapos namin sa sekondarya, dumating na rin pala ang huling araw na ako at siya ay kami.
     Yun na ang huling pagkikita namin. Nalaman ko na dalawang araw matapos ang aming pagtatapos ay lumipad na pala sila ng kanyang pamilya patungong Amerika upang doon ipagpatuloy ang kanyang kolehiyo. Lumipas ang mga minuto, oras, araw, buwan at taon na wala siya. Wala, as in wala. Walang reply sa text at chat---(musta ka na?), sagot sa call---(plsss naman sagutin mo to, miss na kita!), message sa wall ng fb at like man lang sa mga post ko---(putulin mo man ang kadenang nagdurugtong sa ating mga ugat, paglalapitin pa rin tayo ng tadhanang nagtalaga ng lahat… MAHAL KITA).
     Ang tanging naiwan lang sakin ay ang mga alaalang kaysarap balikan at ang kanyang payong na kailanma’y di nabasa ng unos mula pa noong ako’y kanyang nilisan.
***
            Habang sinusulat ko ang istoryang ito ay naglalakad ako sa isang kalye ng Barangay Dos na dating kinatatayuan ng tindahan ni Mang Tomas. Tatagpuin ko na muli ang aking kasalukuyan upang mabura ang sakit ng nakaraang pilit ko pa ring binabalikan. Sa pagkakataong iyon ay nagbabadya na naman ang isang malakas na ulan, subalit kung umulan man, wala nang dahilan para gamitin ko ang payong na kanyang iniwan. Umaasa na lang ako na may isang ‘Ana’ na lalapit at magsasabing, “Nasaan ang payong ko? Bakit di mo ginagamit? Di mo ba nakikitang nababasa rin ako?”

P.S. Hindi na mangyayari yun sapagkat meron nang waiting shed na masisilungan.

Image sources:
http://us.123rf.com/400wm/400/400/fantasista/fantasista0711/fantasista071100006/2071178-in-the-rain-couple-under-big-umbrella.jpg
http://t2.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRVZct203ug-Cz9iqrINiNO256Vbjklnoab4LgW4MzpZMNwE6sRwiUhIvAmsA

0 comments:

Post a Comment

Share

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More