Masakit ang init ng araw sa balat, ikasampu pa lamang ng umaga. Sinimulan na ang paggawa ng isang mansiyon na umano’y pag-aari ng isang maykaya. Ayaw magpakilala ng may-ari. Ang tanging nabanggit lang ng kinatawan ay ang nalalapit na pagpapakasal ng may-ari matapos magawa ang mansyon na kanilang titirhan. Sa isip-isip ko, marahil ang may-ari ay isang malaking pulitiko na ayaw mabisto ang kayamanan sa pangambang baka siya’y imbestigahan at makasuhan ng inexplicable wealth.
Isa akong arkitekto, at bukod rito’y civil engineer pa. Sa ginagawang malaking gusali, ako ang arkitektong gumuhit ng plano at ako rin ang inhenyero.
Kinausap ko ang kinatawan ng may-ari na gusto ko’y naroroon ako habang ginagawa ang bahay upang makatiyak na magiging maayos ang lahat. Subalit ayaw nito. Iginiit ko pa rin ang gusto ko. Iminungkahi kong magpapanggap akong trabahador. Pumayag siya at yaon nga ang nangyari, kaya narito ako, kasamang nagtatrabaho at nagpapawis sa init ng araw.
“Rev, bilis-bilisan mo nga ang paghahakot ng hallow blocks,” sigaw sa akin ng kapatas.
“Aabutin tayo ng kuwaresma sa paggawang ito kung ganyan ka kabagal!”
“Opo,” tugon ko naman habang tagaktak ang pawis sa buo kong katawan.
Palibhasa’y nasa labor group lamang ako, busabos ang pagtingin nila sa akin. Wala silang kamalay-malay na ako ang arkitekto at inhenyero ng pagpapagawa ng malaking tahanang ito. Ngali-ngali na akong mainis, magpakilala, at sila ay pagmumurahin ko. Datapwa’t dahil nga sa may misyon ako, kaya dinagdagan ko ang pagpipigil ng sarili.
Nang mahinangan at mabuo na ang mga steel truss, iginayak na ang pagbububong. Ipinahanda at ipinahakot sa amin ng foreman ang nalalabing PVC para sa electrical wiring, at mga yerong pambubong. Elite type ang bubong na gagamitin, kulay violet.
Tuwing gabi ay maaalala ko ang dati kong kasintahang si Dina at ang aming kwentuhan sa bahay-bahayan noong kami’y musmos pa. Pangarap namin noong magkaroon ng mansyon. Subalit iyon ay mananatiling pangarap na lamang.
Isa nang ganap na nars si Dina noon, ako nama’y ganap nang arkitekto at civil engineer, nang isang araw ng Sabadong nasa beach kami sa Bauan ay magpaalam siya sa akin. Pupunta siyang London para mag-abroad. Hindi ko na siya napigilan. Ang tanging hawak ko na lang ay ang kanyang pangakong naiwan. Pangakong bigla na lang naglahong parang bula.
Sa pag-alis nya ay tuluyan na kaming nawalan ng koneksyon. Hindi ko na siya ma-contact. Tila nagpalit siya ng numero ng cell phone at ng email address. Walang sumasagot sa landline na dati kong tinawagan upang kausapin siya. Nilihaman ko siya, nguni’t walang sagot akong natanggap. Kahit sa facebook ay hindi ko man lang siya makita. Pero kahit ganun, naghihintay pa rin ako. “Maybe my love will come back someday, only HEAVEN KNOWS,” ika nga sa kanta.
Ikapito na ng gabi nang pumarada sa tapat ng mansiyon ang isang bagung-bagong Mercedes Benz. Kabilugan ng buwan noon at ang huni ng mga ibon at kuliglig ay tila musikang may ipinahihiwatig. Ang ihip ng hangin na may napakalamig na tono ay dumadampi sa aking pisngi.
At sa di inaasahang pagkakataon, bumagsak ang mga luha ko upang diligin ang nanunuyo kong pisngi kasabay ng pagbaba ng may-ari sa kanyang sinasakyan. Si Dina, oo si Dina nga. Subalit tumigil ang aking mundo nang bumaba ang isang may-edad na British. Lalong bumagsak ang aking pagkatao nang pumunta sila sa gitna habang kaakbay ng matandang foreigner si Dina. Gusto kong sumigaw, subalit wala na akong magagawa. Wala na. Tumalikod na lang ako upang maitago ang sakit na iniinda.
“Ang tahanang ito’y hindi ko lamang pag-aari. Pag-aari rin ito ng aking kasintahan,” wika ni Dina. Ang malambing nyang boses ay tila isang kutsilyong tumatarak sa aking dibdib, na kung magpapatuloy ay di ko nanaisin pang mapakinig.
Sandaling binalot ng katahimikan ang paligid. Di nagtagal ay isang malambot na kamay ang dumampi sa aking balikat, at isang malambing na boses na naman ang lumabas mula sa isang dalisay na puso.
“Ang kasintahan ko ay ang arkitektong gumuhit ng plano at inhenyerong namahala sa paggawa nito. Alam kong malaki ang pagod na dinanas niya sa pangkat ng labor, masiguro lang na ayos ang pagkakahubog nito. At ngayon, narito ako para tuparin ang pangarap ko, pangarap naming dalawa ni Ver. Kasama ko ang amo ko sa London ngayon na magiging ninong namin sa kasal,” nangingiyak na nilantad ni Dina.
Dumaloy ang luha ko tungo sa tigang kong puso. Sa pagkakataong ito ay hindi na poot at sakit ang dumadaloy sa aking kabuuan—pagkasabik at pag-ibig. Niyakap ko siya ng mahigpit katumbas ng higpit ng yakap nya sa akin.




2 comments:
Hi brainy,I love the pimp of your blog, nice work with the design.
thank you... you can always drop by and read some updates... Enjoy reading!!! GOD BLESS!!!
Post a Comment